Saturday, April 6, 2013

Gradweyt na Walang Diploma!

Hindi ko alintana ang init ng sikat ng araw. Summer na talaga at tunay na masarap pumunta sa mga beach at resort para mag enjoy.

Kabilaan ang mga imbitasyon sa akin ng mga kakilala at malalapit na kaibigan. Pero magalang akong tumanggi at nakiusap na sa ibang pagkakataon na lamang.

Habang inaayos ko ang mga dadalhin kong gamit, nilapitan ako ng aking 5 taon ang edad na pamangkin at inabot sa akin ang mga pinabili kong mga sulating papel.

Handa na ang lahat ng aking dalahin at ganun din naman ako sa aking pupuntahan.



Sa gitna ng daan kung saan naroon ang mga samut-saring larawan ng kahirapan, hindi ako nakaramdam ng takot at pagkailang sa tuwing mapapatapat ako sa mga nag iinuman, nagsusugalan at nagtsitsismisan na mga taong nakatira sa bawat gilid ng daan.

Natanaw ko na ang aking pakay na lugar, at nakikita ko na ang mga batang nagkukumpulan na naroon.

Habang papalapit ako ay may sumalubong sa akin na isang Ale, at ito ang kanyang sinabi,

"Naku sir! Graduation na sa mga eskwelahan, makakatanggap ba naman ng mga diploma ang mga anak namin sa ginagawa nyong pagtuturo?"

Bigla akong natigilan sa tinuran ng Ale. Pero mabilis din akong sumagot ng ngiti dito. Maya maya pa ay may sumunod na batang babae sa likuran nito.

"Sir, sabi ng Tatay ko, hindi daw ako makakahanap ng magandang trabaho kahit marunong akong magbasa at magsulat dahil wala naman akong diploma! Bigyan nyo ho ako ng diploma para makapagtrabaho po ako ng maganda!", ang sabi ng paslit.

Parang bigla akong nangamba kung paano sasagutin ang tanong ng batang iyun.

Ang mga tanong na yun yata ang biglang nagpahina ng loob ko na tulungan matutong magbasa at magsulat ang mga batang kalye na hindi kayang pag aralin ng mga magulang kahit sa pampublikong paaralan.

Hanggang doon na nga lang ba ang gusto kong gawin na pagtuturo sa kanila, dahil sa wala akong maibigay na diploma. Hindi naman habang buhay ay estudyante ko sila, dahil sa bawat paglipas ng panahon, magkakamuwang din sila.

 Sinalubong ako ng mga nagkukumpulang mga bata at masaya nilang kinuha ang mga iniabot kong mga sulating papel at panulat. May isang batang lalake ang nakapansin ng aking pananahimik ng ilang minuto, tinapik niya ako at ngumisi.
 
"Gusto mo rin ba ng diploma?", ang tanong ko sa kanya. Napakamot sa ulo ang batang lalake.

"Ano po yun? Pagkain po ba yun?", ang walang muwang nitong pagbabalik ng tanong sa akin.

Bigla akong nagising sa ilang minuto na pananahimik. Bumalik ang sigla ko at ginulo ang manipis na buhok ng batang iyun.

Maaari ngang wala akong maibigay na diploma sa mga batang iyun na habang dumaraan ang araw at oras ay nagkakamuwang sa buhay, nagkaka isip sa mga bagay at nalalaman ang tunay nilang kalagayan.

Ang hangad ko lang ay makatulong, ang bigyan sila ng konting nalalaman na natutunan ko din noong ako ay nag aaral. Ang matuto silang isulat ang pangalan nila at matuto silang magbasa.

At kung dumating ang araw na sila ay hindi na babalik sa akin para magtanong at magpaturo, para sa akin, anuman ang dahilan nila ay hindi ko ito ikasasama ng loob.

Alam ko na sa munting paraan ko, nabigyan ko sila ng diploma, ang magkaroon ng kaalamanan, kamalayan at dunong bilang mga kalyeng estudyante.