Sunday, April 7, 2013

Ang PAIT ng Alaala

Magkasabay silang sumakay ng sasakyan. Nakakabinging katahimikan ang namagitan sa kanila. Hanggang sa basagin ito ng ingay ng makina ng sasakyan. Wala pa ring imikan ang dalawa habang nasa byahe. At isang liwanag ang sumalubong sa harapan nila, dahilan para tawagin nila ang pangalan ng isat-isa.

Dahan-dahan niyang inimulat ang kanyang mga mata. Isang mukha ang sumalubong agad sa kanyang paningin. Nasa mukha ng taong yun ang halong pag-aalala at kasiyahan.

"Sa wakas! Nagising ka na!", naluluha pang sabi ng taong yun. Niyakap siya nito at maya-maya lang ay humihikbi na ito. Tanda na pinipigilan nito ang emosyon ng sobrang saya at pag aalala.

"Sino ka?!", ang tanong niya sa taong yun. Biglang lumuwag ang pagkakayakap sa kanya ng taong yun. Dahan dahan itong humarap sa kanya. Tinitigan ang kanyang mga mata na may pagtataka.

"Hindi mo ako maalala? Pero paano?", ang nagtataka ring tanong ng taong yun. Pumagitna ang manggagamot sa dalawa at sinabi na posibleng nagkaroon ng amnestiya ang pasyente. Pero hindi naman ito permanente.

Naroon ang pag aalalang niyakap muli siya ng taong yun.

"Im sorry!", ang paghingi ng taong yun ng tawad sa kanya. Doon na ito tuluyang lumuha ng pagsisisi.

Pinigilan niya ang sarili na yakapin din ang taong yun. Pinigilan niya ang sarili na sumbatan ang taong yun.

Pinigilan niyang magalit sa taong yun. Hindi dahil sa nangyaring aksidente, kundi dahil sa ginawa nitong pananakit sa damdamin niya.

At sa paghingi nito ng tawad, para san nga ba iyun? Dahil sa aksidente o sa ginawa nito sa kanya bago ang aksidente?

Nagsinungaling siya. Nagpanggap. Nagkunwari na walang maalala sa mga nangyari. Kahit alam niya sa kanyang sarili na kilala niya ang taong yun.

Nakaramdam siya ng takot na magalit sa taong yun. Ganun yata talaga magmahal ng sobra, natatakot na magalit. Natatakot na tanggapin ang katotohanan. Marinig ang mga paliwanag mula dito sa mga gusto niyang itanong.

Kailangan niyang lokohin ang sarili. Lokohin ang ibang tao. Lokohin ang taong yun. Para hindi siya masaktan. Yung sobrang sakit. Na baka ikasira ng isipan niya. Dahilan na baka ito ang tuluyang magpawala ng alaala niya.

Nang gabing yun, nakita niya ang isang bagay na magpapabago sa namamagitan sa kanila ng taong yun. May kasama ito. May kausap. May kayakap. May kahalikan. Sabay-sabay ang mga pangyayari. Iyun ang gumugulo sa kanyang alaala. Mga huling alaala bago maganap ang aksidente.

Ang taong mahal niya, may ibang pinapasaya, habang siya ay nanonood. Namumuhi. Nagagalit sa mga oras na yun.

Nang makita siya ng taong yun, mabilis siyang nilapitan. Akmang yayakapin, pero umiwas siya. Sumunod ito sa sasakyan. Pinigilan niya ang umiyak. Pinigilan niya ang magsalita. Tanging buntong hininga lamang ang tumutulong sa kanya para maging kalmado.

At naganap na nga ang aksidente. Nagising siya. Naroon ang taong yun. Nagpakita ng pag aalala sa kanya. Nagpakita ng saya ng magising siya.

Pero napalitan iyun ng pag aalala muli, dahil sa tanong niya.

"Sino ka?!"

Mainam na ang ganun. Para tapos na ang lahat. Wala ng sumbatan pa. Wala ng galit pa. Kalimutan ang lahat.

Ganun ang nagmamahal ng sobra. Handang lokohin ang sarili, para lang huwag mawala ang taong minamahal ng higit pa sa sariling buhay.