Tuesday, April 9, 2013

Tagasalo, Panakip-butas, Reserba, 2nd choice at Rebound!

Nakatingin lamang ako sa kanya. Pinagmamasdan ang bawat ekspresyon ng kanyang mukha.

Naroon ang saya nito, habang may kausap sa telepono. At sa tuwing mapapadako ang tingin niya sa kinaroroonan ko, sumesenyas siya ng sandali lang.

Hindi ko lang alam kung nakikita niya ang pilit ng mga ngiti ko sa pagsang ayon sa hinihingi niyang oras pa habang kausap ang sino man yun.

"Naku teh! Magkakalahating oras na yatang kausap ni boyfie sa phone si ex! Hindi ka ba nagseselos?", ang pasimpleng biro na may bahid katotohanan ng katabi ko.

"Ngayon lang naman yan!", ang maikli kong sagot sa tanong.

"Bakit kasi pumayag ka? Na maging rebound?", ang diretsong sabi pa ng katabi ko.

"Mahal niya ako!", ang pagdidiin ko. Pero hindi nakumbinsi ang katabi ko.

"Nandoon ako teh! Nakita ko ang lahat! Narinig ko ang mga napag usapan nyo! Saksi ako sa pagpayag mo sa isang relasyon na kasunduan lamang!", ang pagpapaalala nito sa akin. Pinikit ko ang aking mga mata.

Ayaw kong may mapansin niya na nangingilid na ang mga luha sa gilid ng mga mata ko.

"Pumayag ako dahil mahal ko siya! At nararamdaman ko na mahal niya din ako!", ang pagtatanggol ko sa aking sarili at sa taong yun.

"Tingnan mo nga siya ngayon! Sino ba ang kausap niya! Yung ex na umiwan sa kanya! At ikaw, nandito at naghihintay na lapitan niya kapag tapos na niyang kausapin ang ex niya! Parang 2nd priority ka lang! Hindi ba niya naisip na malamok dito! O naiisip ka ba niya habang kausap ang ex niya?!", ang paglilinaw pa ng katabi ko sa sitwasyon.

"Sige na! Mauna ka na sa pupuntahan natin! Susunod kami!", ang pagtataboy ko sa katabi ko.

Ang totoo niyan, ayaw ko ng marinig pa ang mga susunod niyang sasabihin. Nasasaktan ako. Oo. Kasi totoo. Na rebound ako. Tagasalo. Pangalawa. Isang reserbadong damdamin na kung kailan lang gusto mahalin ay doon lamang may pakinabang.

Nauna na nga ang aking kaibigan na umalis. Ilang sandali pa, lumapit na rin ang lalakeng yun. Nakangiti.

"Oh bakit umalis na yung kasama natin?", ang tanong nito.

"Nainip! Kahit naman ako, makakaramdam ng inis sa tagal mo kaming pinaghihintay!", ang sabi ko. Para naman siyang nakaramdam.

"Im sorry! Hindi ko namalayan na nappatagal yung pag uusap namin! Saka, sinulit lang namin yung limit time ng long distance call!", ang paliwanag nito.

"Ewan ko! Alam mo, tapusin na natin ito! Para hindi ka na naaabala pa! Wala ka ng iisipin pang ibang tao na dapat hingan ng permiso o tawad kapag gusto mo kausap ang taong yun!", ang mahinahon ko pa ring sabi dito. Nakaramdam siya ng pagdaramdam ko.

"Huwag ka ng magalit please!", ang pakiusap niya. Tumingin ako sa mga mata niya.

"Kung ako ang makikiusap, pagbibigyan mo din ba ako? Na huwag mo na siyang kausapin! Isipin! Na wag na natin siyang pag usapan at huwag mo na siyang ipasok sa anumang usapan natin o kahit sa iba mong mga kaibigan?!", ang garalgal ko ng sabi. Hindi sa tonong nakikiusap, kundi nagmamakaawa.

"Makinig ka sa akin, alam mo naman na hindi ganun kadali na kalimutan yung naging relasyon namin!", ang simula ng pagpapaliwanag nito.

"Ikaw ang makinig! Pumayag ako na maging tayo, kasi mahal kita! Pumayag ako kahit alam kong hindi mo ako mahal! Pumayag ako kasi gusto ko ibsan yang sakit na nararamdaman mo sa kanya, na hanggang ngayon, pinipilit mo pa rin paniwalain ang sarili mo na mahal ka pa niya! Utang na loob naman, kung babalikan ka na niya, sabihin mo na sa akin! Para hindi ako magmukhang gago na anytime na bumalik siya sayo, bigla mo nalang akong babalewalain!", ang hindi ko na napigilan na sabihin dito.

"Ikaw ang karelasyon ko ngayon! Sa palagay mo, hindi kita mahal?!?", ang pag amin nito ng damdamin sa akin.

"Ewan ko! Baka maniwala nga ako na mahal mo ako kasi sobra kitang mahal eh! Na lahat ng sasabihin mo, paniniwalaan ko!", napaluha na ako sa pagkakataong yun.

"Please, patawarin mo ako sa mga ginawa kong kilos na hindi ko alam na nakakasakit sayo!", 

 malumanay ang boses niya. Na parang lalo kong gustong pakinggan, pero sabi ng isip ko, huwag kong pakinggan.

"Pumayag ako maging rebound kasi mahal talaga kita!", ang nasabi ko na lamang.

Tumahimik siya. Nakiramdam ako. Pero alam ko na sa mga oras na yun, nag iisip na siya. Nagdadalawang isip. At ako naman, naghihintay. Umaasa nang magandang sagot at inihanda ang sarili na maging bigo.