Friday, May 10, 2013

missing you like a crazy


Isang dekada na ang dumaan. Nasa 30+ na ang edad ko. And for sure, nasa 40+ na ang edad mo.
Gwapo ka pa kaya? Napapangiti ako sa tuwing babalikan ko ang mga panahon na magkasama tayo.
Naaalala ko pa na halos magkasama tayo sa mga gimikan, lagi mo akong dinadaanan kasi ikaw ang may sasakyan.
Bumabalik sa alaala ko ang mga panahon na nakakatabi kita, nakakausap, nahahawakan at nayayakap, at walang malisya yun para sayo, pero sa akin, may kahulugan, may kilig at saya sa puso ko.
Lumipas ang isang dekada, nagkahiwalay ang landas natin dahil sa pangarap kong gumanda ang buhay ko.
Nawala sa uso ang facebook kaya mula noon, wala na akong balita sayo. Hindi ko na nasubaybayan ang bawat travel mo sa ibat ibang lugar at hindi ko na magawang makita ang gwapong mukha mo sa mga larawan. Hindi ako nakapag save kahit isa.
Sa pagbabalik ko, agad kong pinuntahan ang mga pinupuntahan at madalas nating tambayan na mga lugar, ang iba ay nagsara na at base sa mga taong naroon, hindi ka na nila napapansin na gumagawi doon.
Siguro sa tagal ng panahon, ikaw ay nagibang bayan na rin. O maaaring nag asawa na, hehehe.
Pero, umaasa pa rin ako, kahit alam kong maliit na chance lang na magkaroon ako ng balita tungkol sayo.
Namimiss na kita, sobra. Gusto na kitang makita, sobra-sobra.
Isang gabi, naroon ako sa isang lugar na madalas nating pinupuntahan noong araw.
Maingay ang tugtugin, nakakaindak, nakakahalina sabayan. Pero ang isip ko, noong ikaw ang sumasayaw. Napabuntong hininga ako ng malalim. Hawak ang isang bote ng alkohol na inumin, mukhang dapat na akong sumuko sa paghahanap sayo.
Sa aking pagtalikod patungo palabas sa lugar na yun, isang pamilyar na mukha ang umagaw ng aking paningin. Doon ako parang lumakas, sumaya at sumigla.
Sa wakas, natapos ang aking paghahanap, aking pinanabikan na makita siyang muli sa loob ng isang dekada at mukhang natupad na ito.

Thursday, May 2, 2013

Kunwa-kunwarian

Nang humiling siya ng pabor sayo, mabilis kang pumayag, kahit na alam mong posible niyang masaktan ka sa mga gagawin nyong palabas sa harap ng ibang tao.

Siya: Uy! Salamat ha! Naiwasan ko yung ex ko dahil sa pagpapanggap natin!

Ako: Wala yun! Malakas ka sa akin eh!

Pero hanggang kailan kaya ang pagpapanggap, hanggang kailan mo pipigilan ang sarili mo na huwag magpadala sa hindi totoong relasyon?

Siya: May tiwala ako sayo, na imposible kang ma-inlove sa akin dahil bestfriends tayo!

Ako: Oo naman! Saka hindi ang gaya mo ang tipo ko!

Napahalakhak siya doon. At isang pilit na tawa rin ang sinagot ko dito. Sa isip ko, totoo kaya na halakhak yun o kunwari lang din.

Ako: Hanggang kailan ba tayo ganito? I mean, till when akong magpapanggap na karelasyon mo? Till when tayo magiging sweet? Till when mo ako sasabihan ng mga i love you sa harap ng ibang tao?

Napatingin siya sa akin. Parang binabasa niya ang nasa mga mata ko. Napayuko ako. Kapag lumaban ako ng tingin sa kanya, baka may mabasa nga siya. Mahirap magkunwari kung madaling mahulaan.

Siya: Ano ba ang iniisip mo? May problema ba?

Ako: Wala naman! Syempre, may mga bagay din akong sinakripisyo sa pagpayag ko sa pagpapanggap natin!

Siya: Sakripisyo?

Ako: Oo! Gaya nang, paano kung may gusto akong tao o may gusto sa akin yung tao, pero hindi namin magawang malaman dahil ang akala ng taong yun, nakatali ako sa isang seryosong relasyon!

Bigla siyang nag alala. Lumapit siya sa akin at humawak sa mga kamay ko.

Siya: Sorry! Hindi ko naisip ang bagay na yan! Do you think, naging selfish ako? Dahil, binalewala ko yung pwede mong kaligayahan sa ibang tao dahil sa pakiusap ko na maging tayo, bilang palabas?

Hindi ko na nagawang sagutin ang tanong na yun. Yung pagkakahawak niya sa kamay ko, hinigpitan ko din ng hawak, bilang pagpapanatag ng kalooban nito na hindi ako nagsisisi na maging kami, kahit kunwa kunwarian lang.

Pangarap ko ang Ibigin ka.

Isang araw, bakit may mga pagkakataon na nararamdaman mo nalang, nahuhulog ang loob mo sa isang kaibigan.

Siya: Bakit ganyan ka makatingin? May gusto ka sa akin nu?!

Ako: Huwag ka ngang feelingero! Hindi ang gaya mo ang magugustuhan ko!

Mahirap aminin ang tunay na nararamdaman. Maaaring natatakot sa pwedeng kalabasan ng pag amin.
Ako: Paano kung may gusto sayo yung mga kaklase mo?

Siya: Bakit? Magseselos ka?

Ang mga simpleng biro, posible maging totoo. Kaya naman may takot sa puso ninuman kapag nakikita nilang malapit sa ibang tao ang lihim nilang minamahal.

Siya: Hindi na kita nakakasama sa mga lakad ng barkada! May problema ka ba?

Ako: Wala naman! Lielow muna ako sa mga lakad!

Nakakaramdam ka ng inis kapag may mga comments sa wallposts niya. Naninibugho ka kapag may kausap siya sa telepono kahit ikaw ang kasama at katabi niya. Nasasaktan ka kapag nagkukuwento siya sa mga crushes at gusto niya pormahan.

Siya: Are you okey?

Naroon ang simleng pagtango mo lamang sa tanong. Sa mga oras na yun, alam mo na sa sarili mo na, mahal mo na ang taong yun. Pero, hanggang pangarap na lamang na mahalin mo siya, dahil simula palang, alam mo ng kaibigan lang talaga ang pagtingin niya para sayo.

Wednesday, April 10, 2013

kung sakali ako ay maging PBB housemate...

Kung sakaling maging isa akong housemate sa sikat na bahay, ang Pinoy Big Brother House, makakaya ko nga kaya ang mawalan ng anumang koneksyon at balita sa aking nakagisnang pamilya?

Mapupunan kaya ng saya kasama ang ibang housemates ang pag aalala at pangungulila ko sa aking pamilya?

Matabunan kaya ng mga karanasan at karunungan na ibibigay ni Kuya sa akin ang mga nakasanayan kong ugali at pagkilos sa labas ng bahay niya?

Magagawa ko bang ipagpalit ang isang espesyal na tao na sa loob ng apat na taon ay nakasama ko sa hirap at saya para lamang pumila at umasa na mapili na tumira ng ilang oras, araw, linggo at buwan lamang sa loob ng sikat na bahay?

Aminado ako na naging avid follower ng reality tv show, mula kina Nene, Kim at Keana. Pero pagkatapos nun ay sa batch nalang ni Myrtle ang huling nasubaybayan ko.

Instant celebrity sa pagpasok at paglabas ng bahay, hangad ko rin iyun na maramdaman, pero naroon ang takot na punahin at batikusin ng ibang tao kung hindi nila ako gusto at ayaw nila ang mga gawi ko na nakikita nila sa pamamagitan ng nagkalat na kamera sa loob ng sikat na bahay.

Sino ba naman ang ayaw manalo ng mga premyong magpapabago sa buhay ko, sa buhay ng mga naghahangad ng magandang kinabukasan para sa pamilya.

Kung palarin, tatanggapin ko ang hamon, pero sa kalooban ko, naroon ang takot, pag aalala at kalungkutan kapag napalayo na ako sa aking pamilya, sa bahay ng aking totoong kapamilya.

Tuesday, April 9, 2013

Tagasalo, Panakip-butas, Reserba, 2nd choice at Rebound!

Nakatingin lamang ako sa kanya. Pinagmamasdan ang bawat ekspresyon ng kanyang mukha.

Naroon ang saya nito, habang may kausap sa telepono. At sa tuwing mapapadako ang tingin niya sa kinaroroonan ko, sumesenyas siya ng sandali lang.

Hindi ko lang alam kung nakikita niya ang pilit ng mga ngiti ko sa pagsang ayon sa hinihingi niyang oras pa habang kausap ang sino man yun.

"Naku teh! Magkakalahating oras na yatang kausap ni boyfie sa phone si ex! Hindi ka ba nagseselos?", ang pasimpleng biro na may bahid katotohanan ng katabi ko.

"Ngayon lang naman yan!", ang maikli kong sagot sa tanong.

"Bakit kasi pumayag ka? Na maging rebound?", ang diretsong sabi pa ng katabi ko.

"Mahal niya ako!", ang pagdidiin ko. Pero hindi nakumbinsi ang katabi ko.

"Nandoon ako teh! Nakita ko ang lahat! Narinig ko ang mga napag usapan nyo! Saksi ako sa pagpayag mo sa isang relasyon na kasunduan lamang!", ang pagpapaalala nito sa akin. Pinikit ko ang aking mga mata.

Ayaw kong may mapansin niya na nangingilid na ang mga luha sa gilid ng mga mata ko.

"Pumayag ako dahil mahal ko siya! At nararamdaman ko na mahal niya din ako!", ang pagtatanggol ko sa aking sarili at sa taong yun.

"Tingnan mo nga siya ngayon! Sino ba ang kausap niya! Yung ex na umiwan sa kanya! At ikaw, nandito at naghihintay na lapitan niya kapag tapos na niyang kausapin ang ex niya! Parang 2nd priority ka lang! Hindi ba niya naisip na malamok dito! O naiisip ka ba niya habang kausap ang ex niya?!", ang paglilinaw pa ng katabi ko sa sitwasyon.

"Sige na! Mauna ka na sa pupuntahan natin! Susunod kami!", ang pagtataboy ko sa katabi ko.

Ang totoo niyan, ayaw ko ng marinig pa ang mga susunod niyang sasabihin. Nasasaktan ako. Oo. Kasi totoo. Na rebound ako. Tagasalo. Pangalawa. Isang reserbadong damdamin na kung kailan lang gusto mahalin ay doon lamang may pakinabang.

Nauna na nga ang aking kaibigan na umalis. Ilang sandali pa, lumapit na rin ang lalakeng yun. Nakangiti.

"Oh bakit umalis na yung kasama natin?", ang tanong nito.

"Nainip! Kahit naman ako, makakaramdam ng inis sa tagal mo kaming pinaghihintay!", ang sabi ko. Para naman siyang nakaramdam.

"Im sorry! Hindi ko namalayan na nappatagal yung pag uusap namin! Saka, sinulit lang namin yung limit time ng long distance call!", ang paliwanag nito.

"Ewan ko! Alam mo, tapusin na natin ito! Para hindi ka na naaabala pa! Wala ka ng iisipin pang ibang tao na dapat hingan ng permiso o tawad kapag gusto mo kausap ang taong yun!", ang mahinahon ko pa ring sabi dito. Nakaramdam siya ng pagdaramdam ko.

"Huwag ka ng magalit please!", ang pakiusap niya. Tumingin ako sa mga mata niya.

"Kung ako ang makikiusap, pagbibigyan mo din ba ako? Na huwag mo na siyang kausapin! Isipin! Na wag na natin siyang pag usapan at huwag mo na siyang ipasok sa anumang usapan natin o kahit sa iba mong mga kaibigan?!", ang garalgal ko ng sabi. Hindi sa tonong nakikiusap, kundi nagmamakaawa.

"Makinig ka sa akin, alam mo naman na hindi ganun kadali na kalimutan yung naging relasyon namin!", ang simula ng pagpapaliwanag nito.

"Ikaw ang makinig! Pumayag ako na maging tayo, kasi mahal kita! Pumayag ako kahit alam kong hindi mo ako mahal! Pumayag ako kasi gusto ko ibsan yang sakit na nararamdaman mo sa kanya, na hanggang ngayon, pinipilit mo pa rin paniwalain ang sarili mo na mahal ka pa niya! Utang na loob naman, kung babalikan ka na niya, sabihin mo na sa akin! Para hindi ako magmukhang gago na anytime na bumalik siya sayo, bigla mo nalang akong babalewalain!", ang hindi ko na napigilan na sabihin dito.

"Ikaw ang karelasyon ko ngayon! Sa palagay mo, hindi kita mahal?!?", ang pag amin nito ng damdamin sa akin.

"Ewan ko! Baka maniwala nga ako na mahal mo ako kasi sobra kitang mahal eh! Na lahat ng sasabihin mo, paniniwalaan ko!", napaluha na ako sa pagkakataong yun.

"Please, patawarin mo ako sa mga ginawa kong kilos na hindi ko alam na nakakasakit sayo!", 

 malumanay ang boses niya. Na parang lalo kong gustong pakinggan, pero sabi ng isip ko, huwag kong pakinggan.

"Pumayag ako maging rebound kasi mahal talaga kita!", ang nasabi ko na lamang.

Tumahimik siya. Nakiramdam ako. Pero alam ko na sa mga oras na yun, nag iisip na siya. Nagdadalawang isip. At ako naman, naghihintay. Umaasa nang magandang sagot at inihanda ang sarili na maging bigo.


Sunday, April 7, 2013

Ang PAIT ng Alaala

Magkasabay silang sumakay ng sasakyan. Nakakabinging katahimikan ang namagitan sa kanila. Hanggang sa basagin ito ng ingay ng makina ng sasakyan. Wala pa ring imikan ang dalawa habang nasa byahe. At isang liwanag ang sumalubong sa harapan nila, dahilan para tawagin nila ang pangalan ng isat-isa.

Dahan-dahan niyang inimulat ang kanyang mga mata. Isang mukha ang sumalubong agad sa kanyang paningin. Nasa mukha ng taong yun ang halong pag-aalala at kasiyahan.

"Sa wakas! Nagising ka na!", naluluha pang sabi ng taong yun. Niyakap siya nito at maya-maya lang ay humihikbi na ito. Tanda na pinipigilan nito ang emosyon ng sobrang saya at pag aalala.

"Sino ka?!", ang tanong niya sa taong yun. Biglang lumuwag ang pagkakayakap sa kanya ng taong yun. Dahan dahan itong humarap sa kanya. Tinitigan ang kanyang mga mata na may pagtataka.

"Hindi mo ako maalala? Pero paano?", ang nagtataka ring tanong ng taong yun. Pumagitna ang manggagamot sa dalawa at sinabi na posibleng nagkaroon ng amnestiya ang pasyente. Pero hindi naman ito permanente.

Naroon ang pag aalalang niyakap muli siya ng taong yun.

"Im sorry!", ang paghingi ng taong yun ng tawad sa kanya. Doon na ito tuluyang lumuha ng pagsisisi.

Pinigilan niya ang sarili na yakapin din ang taong yun. Pinigilan niya ang sarili na sumbatan ang taong yun.

Pinigilan niyang magalit sa taong yun. Hindi dahil sa nangyaring aksidente, kundi dahil sa ginawa nitong pananakit sa damdamin niya.

At sa paghingi nito ng tawad, para san nga ba iyun? Dahil sa aksidente o sa ginawa nito sa kanya bago ang aksidente?

Nagsinungaling siya. Nagpanggap. Nagkunwari na walang maalala sa mga nangyari. Kahit alam niya sa kanyang sarili na kilala niya ang taong yun.

Nakaramdam siya ng takot na magalit sa taong yun. Ganun yata talaga magmahal ng sobra, natatakot na magalit. Natatakot na tanggapin ang katotohanan. Marinig ang mga paliwanag mula dito sa mga gusto niyang itanong.

Kailangan niyang lokohin ang sarili. Lokohin ang ibang tao. Lokohin ang taong yun. Para hindi siya masaktan. Yung sobrang sakit. Na baka ikasira ng isipan niya. Dahilan na baka ito ang tuluyang magpawala ng alaala niya.

Nang gabing yun, nakita niya ang isang bagay na magpapabago sa namamagitan sa kanila ng taong yun. May kasama ito. May kausap. May kayakap. May kahalikan. Sabay-sabay ang mga pangyayari. Iyun ang gumugulo sa kanyang alaala. Mga huling alaala bago maganap ang aksidente.

Ang taong mahal niya, may ibang pinapasaya, habang siya ay nanonood. Namumuhi. Nagagalit sa mga oras na yun.

Nang makita siya ng taong yun, mabilis siyang nilapitan. Akmang yayakapin, pero umiwas siya. Sumunod ito sa sasakyan. Pinigilan niya ang umiyak. Pinigilan niya ang magsalita. Tanging buntong hininga lamang ang tumutulong sa kanya para maging kalmado.

At naganap na nga ang aksidente. Nagising siya. Naroon ang taong yun. Nagpakita ng pag aalala sa kanya. Nagpakita ng saya ng magising siya.

Pero napalitan iyun ng pag aalala muli, dahil sa tanong niya.

"Sino ka?!"

Mainam na ang ganun. Para tapos na ang lahat. Wala ng sumbatan pa. Wala ng galit pa. Kalimutan ang lahat.

Ganun ang nagmamahal ng sobra. Handang lokohin ang sarili, para lang huwag mawala ang taong minamahal ng higit pa sa sariling buhay.

Saturday, April 6, 2013

Gradweyt na Walang Diploma!

Hindi ko alintana ang init ng sikat ng araw. Summer na talaga at tunay na masarap pumunta sa mga beach at resort para mag enjoy.

Kabilaan ang mga imbitasyon sa akin ng mga kakilala at malalapit na kaibigan. Pero magalang akong tumanggi at nakiusap na sa ibang pagkakataon na lamang.

Habang inaayos ko ang mga dadalhin kong gamit, nilapitan ako ng aking 5 taon ang edad na pamangkin at inabot sa akin ang mga pinabili kong mga sulating papel.

Handa na ang lahat ng aking dalahin at ganun din naman ako sa aking pupuntahan.



Sa gitna ng daan kung saan naroon ang mga samut-saring larawan ng kahirapan, hindi ako nakaramdam ng takot at pagkailang sa tuwing mapapatapat ako sa mga nag iinuman, nagsusugalan at nagtsitsismisan na mga taong nakatira sa bawat gilid ng daan.

Natanaw ko na ang aking pakay na lugar, at nakikita ko na ang mga batang nagkukumpulan na naroon.

Habang papalapit ako ay may sumalubong sa akin na isang Ale, at ito ang kanyang sinabi,

"Naku sir! Graduation na sa mga eskwelahan, makakatanggap ba naman ng mga diploma ang mga anak namin sa ginagawa nyong pagtuturo?"

Bigla akong natigilan sa tinuran ng Ale. Pero mabilis din akong sumagot ng ngiti dito. Maya maya pa ay may sumunod na batang babae sa likuran nito.

"Sir, sabi ng Tatay ko, hindi daw ako makakahanap ng magandang trabaho kahit marunong akong magbasa at magsulat dahil wala naman akong diploma! Bigyan nyo ho ako ng diploma para makapagtrabaho po ako ng maganda!", ang sabi ng paslit.

Parang bigla akong nangamba kung paano sasagutin ang tanong ng batang iyun.

Ang mga tanong na yun yata ang biglang nagpahina ng loob ko na tulungan matutong magbasa at magsulat ang mga batang kalye na hindi kayang pag aralin ng mga magulang kahit sa pampublikong paaralan.

Hanggang doon na nga lang ba ang gusto kong gawin na pagtuturo sa kanila, dahil sa wala akong maibigay na diploma. Hindi naman habang buhay ay estudyante ko sila, dahil sa bawat paglipas ng panahon, magkakamuwang din sila.

 Sinalubong ako ng mga nagkukumpulang mga bata at masaya nilang kinuha ang mga iniabot kong mga sulating papel at panulat. May isang batang lalake ang nakapansin ng aking pananahimik ng ilang minuto, tinapik niya ako at ngumisi.
 
"Gusto mo rin ba ng diploma?", ang tanong ko sa kanya. Napakamot sa ulo ang batang lalake.

"Ano po yun? Pagkain po ba yun?", ang walang muwang nitong pagbabalik ng tanong sa akin.

Bigla akong nagising sa ilang minuto na pananahimik. Bumalik ang sigla ko at ginulo ang manipis na buhok ng batang iyun.

Maaari ngang wala akong maibigay na diploma sa mga batang iyun na habang dumaraan ang araw at oras ay nagkakamuwang sa buhay, nagkaka isip sa mga bagay at nalalaman ang tunay nilang kalagayan.

Ang hangad ko lang ay makatulong, ang bigyan sila ng konting nalalaman na natutunan ko din noong ako ay nag aaral. Ang matuto silang isulat ang pangalan nila at matuto silang magbasa.

At kung dumating ang araw na sila ay hindi na babalik sa akin para magtanong at magpaturo, para sa akin, anuman ang dahilan nila ay hindi ko ito ikasasama ng loob.

Alam ko na sa munting paraan ko, nabigyan ko sila ng diploma, ang magkaroon ng kaalamanan, kamalayan at dunong bilang mga kalyeng estudyante.